Sa 78th Lingayen Gulf Landings at 16th Pangasinan Veterans Day commemoration, walong beteranong Pangasinense ang pinagkalooban ng plake ng pagkilala, medalya at sampung libong piso ng provincial government ng Pangasinan.
Kasama sa ginawaran ng parangal ay sila PFC Ricardo C. Manzano (97 taong gulang), PVT Pedro T. Hiteroza (98 taong gulang), PVT Juan DG Cristobal (98 taong gulang), PFC Marcelo M. Tapiador (98 taong gulang), CPL Victorina G. Urmaza (99 taong gulang), PFC Hospicio N. Mallari (101 taong gulang), CPL Adriano S. Salomon (102 taong gulang) at PFC Valentin M. Untalan (106 taong gulang).
Sa bahagi ng mensahe ni Gov. Ramon Mon-Mon Guico III, kanyang hinimok ang pagsasanib pwersa at pagtutulungan ng institusyong pang-edukasyon, Center for Pangasinan Studies, mga mambabatas, nasyonal at lokal na mga opisyal ng gobyerno upang maglunsad ng mga proyekto at programa sa pagkamit ng mga layunin na maitanim sa puso at isipan ng bawat kabataan at mga susunod pang henerasyon ang kabayanihan at kagitingan ng mga beteranong nakipaglaban para sa kalayaan.
Binigyang diin din ng Gobernador ang importansiya ng panunumbalik sa Reserve Officer Training Course o ROTC sa kolehiyo para turuan ng disiplina at pagiging makabayan ang kasalukuyang henerasyon.
Hinarana naman ng “The Nightingales” duo na sina Keiko Cresida Cayanga at Bernadette Mamauag ang mga beterano sa pamamagitan ng mga kundiman selection songs na isang highlight din ng pagtitipon.